Sabado, Agosto 9, 2014

Ang nangyaring pagpatay kay bonifacio

ANGAY-ANGAY LANG 
By Professor B. R. Rodil, MSU-Iligan Institue of Technology

ILIGAN CITY -- Ano ang kahulugan ni Bonifacio sa atin? Sari-sari ang sagot na ating matatanggap. May nagsasabi na wasto lamang na si Rizal ang naging pambansang bayani natin dahil tayong mga Pilipino ay di mahilig gumamit ng dahas sa paglutas sa ating mga suliranin. May nag-iisip naman na dapat sana'y si Bonifacio ang ating naging pambansang bayani sapagkat sang-ayon sa baluktot na kalakaran noong panahon ng Kastila, wala ng nalalabi pang paraan kung nais nating lumaya sa malupit na kuko ng mga kolonyalistang kastila kundi ang magrebolusyon.

Wika naman ng isang tanyag na Pilipinong manunulat ng kasaysayan na si Renato Constantino, na ngayo’y yumao na, tayo lamang sa buong sandaigdigan ang may pambansang bayani na hindi nagtaguyod ng pambansang kalayaan. Hindi lamang sinalungat ni Rizal ang rebolusyon, itinakwil pa niya ito.Ito naman ang aking palagay. Hindi natin maiwawasto ang katayuan ni Bonifacio sa ating buhay sa kasalukuyan hangga't di natin itinutuwid ang ating makadayuhang pag-unawa sa ating sariling kasaysayan. Mula nang dumating ang mga Kastila, naging magusot na ang ating pag-unawa sa ating kasaysayan sapagkat pangkaraniwan nang ito'y nakabatay sa mga sinulat ng mga dayuhang wala ni katiting na paggalang sa ating dangal bilang mga Pilipino. 

At nang pumasok naman ang mga imperyalistang Amerikano, naragdagan pa ang gusot na ipinamana ng mga kastila. At magpahanggang ngayo'y marami pa rin sa ating mga manunulat ng kasaysayan ang patuloy sa kanilang pagiging isip dayuhan. Upang higit nating maunawaan kung papaano naging isip-dayuhan ang marami sa atin, sariwain natin sandali ang isang pangyayari noong panahon ng Amerikano.

Nang dumating si William Howard Taft sa Pilipinas noong 1900, kasalukuyang nasa kainitan ang labanan ng mga dayuhang Amerikano at mga mamamayang Pilipino. Buong giting nating ipinagtanggol ang ating lupain at karapatan laban sa mga bagong manlulupig. Hayok ang mga dayuhang ito ngunit alam nilang hindi nila maaaring angkinin ng basta na lamang ang ating lupain. Kaya't mula sa ilang libo, lumaki ang kanilang puwersa hanggang minsan ay umabot ito sa mahigit na pitumpung libo at ikinalat sa mahigit na limandaang outpost sa buong kapuluan. Kakilakilabot ang panlilipol na kanilang isinagawa.

Balangiga, Samar pinagpapatay nila ang halos buong populasyon, mula batang nag-eedad sampu, sapagkat puede na raw itong humawak ng gulok, pati na babae't matatanda . Sa Batangas naman, halos kalahati ng populasyon ng buong probinsya ang nagbuwis ng kanilang buhay. Hindi mabilang ang kahindik-hindik na pahirap (torture) na kanilang isinagawa sa pagnanasang makunan ng impormasyon ang bawat mabihag. Naroong sapilitang painumin ng galon-galong tubig at pagkatapos ay lulundag-lundagan sa tiyan o kaya'y ginagawang sopa ng mga naglalakihang mga Amerikano; naroong bunutin ng isa-isa ang mga kuko. At marami pang iba.

Kaya't sa buong panahon ng paghahamok, mula 1899 hanggang 1907, hindi kukulangin sa 200,000 Pilipinong mandirigma, babae, bata at matanda ang nangasawi. Sa panahon ding ito ay mahigit na sandaan at dalawampu't anim na libong sundalong Amerikano ang ipinadala rito ng Estados Unidos para lamang masugpo ang mga tagarito. Hindi pa kabilang dito ang humigit kulang sa dalawampung libong mga kapatid nating Muslim at di Muslim na nagbuwis rin ng buhay habang buong giting na nakilaban hanggang 1916.

Habang nasa kainitan ang paghahamok na ito, nakaisip si Taft ng isang mahusay na estratehiya. Kinausap niya ang mga Pilipinong miyembro ng Philippine Commission at pinagsabihang kailangang magkaroon tayo ng isang pambansang bayani. Sina Emilio Aguinaldo, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini at Jose Rizal ang napiling mga kandidato. Madaling natapos ang botohan. Talo si Aguinaldo sapagkat masyado raw militante, lubhang radikal naman si Bonifacio at si Mabini naman ay napakatigas ang ulo. Si Rizal siyempre ang itinanghal lucky winner.

At dito nagsimula ang magandang kinabukasan ni Rizal sa ating alaala. Ilang epektibong hakbang ang isinagawa ng Philippine Commission: naging stamp si Rizal, naging probinsya, naging pera, naging laman ng maraming kalye, naging rebulto at naging posporo pa nga. Hanggang sa siya'y di lamang naging lamang-isip ng maraming Pilipino, naging laman din siya ng bulsa at kusina.Hindi ko sinasabing walang batayan para sumikat si Rizal. Ang nais kong liwanagin dito ay kung bakit si Rizal ang pinili nila -- unanimous decision pa. 

Ang dating Governor William Cameron Forbes ang nagbigay ng paliwanag pagkalipas ng ilang taon. Kailanman daw ay hindi nagtaguyod ng kalayaan ng Pilipinas si Rizal. Hindi rin siya nag-udyok ng himagsikan o armadong pakikibaka. Sa halip, nanawagan siya ng pagbabago, sa ilalim pa rin ng pamahalaang kastila, sa pamamagitan ng panulat, malawakang edukasyon at pagpukaw sa konsiyensya ng publiko. Sa madali't salita, ginamit ng mga imperyalistang Amerikano si Rizal, hindi lamang upang sirain ang loob ng magigiting na mamamayang Pilipino na buong tapang na humarap sa mga bagong kaaway, kundi na rin upang ilihis ang simulain at direksyon ng ating pakikibaka. Samakatuwid, hindi, at nais kong bigyan ito ng diin, hindi upang bigyang dangal si Rizal, o ang bayang Pilipinas. 

Bilang dagdag linaw pa, tingnan natin kung sino-sino ang mga miyembro ngPhilippine Commission"Philippine" nga ba ito? Sino si Taft? Si Taft ang pangulo ng pangalawang Philippine Commission. siya ang naatasan ni Presidente McKinley na maglatag ng pundasyon ng gobierno sibil ng Amerika dito sa Pilipinas. Pagkatapos nito, siya ay naging gobernador heneral sa Pilipinas, naging Secretary of War, at pagkalipas pa ng ilang taon ay naging presidente ng Estados Unidos. Tungkulin niya na patatagin ang posisyon ng mga imperyalistang Amerikano dito sa atin, kasali na rito ang hayagang panlilinlang sa mga mamamayan ng Amerika na buong puso raw tinatanggap ng mga mamamayang Pilipino ang gobiernong Amerikano. Buong ingat nilang itinago ang katotohanan na kinakailangang magpadala sila rito ng mahigit na sandaan at dalawampu't anim na libong kawal Amerikano upang sawatain ang apoy sa nagbabagang puso ng mamamayan ng buong kapuluan.

Ano naman ang Philippine Commission? Hindi ito Pilipino. Ito ang grupong nagpapatakbo ng pamahalaan ng Amerika dito sa Pilipinas habang nagpapatulouy ang labanan. Trabaho nito ang gumawa ng batas at magpatupad nito. Bukod kay Taft, lima pang kapwa niya Amerikano ang kasapi nito, at tatlong Pilipino raw. At sino naman ang tatlong magagaling na Pilipinong ito? Sila'y sina Trinidad Pardo de Tavera, Benito Legarda at Jose Luzurriaga.

Si Pardo de Tavera ay dating kasapi ng Spanish Consultative Assembly noong panahon ng Kastila, noong ang ating mga kapatid ay buong giting na nakikipaghamok sa kolonyalistang Kastila upang tayo'y lumaya. Noong Agosto, 1898, nagprisinta si Tavera ng kanyang paglilingkod sa mga Amerikano at mula noon ay ginugol niya ang kanyang panahon at kakayahan upang maging matagumpay ang hangarin ng mga Amerikano na maitatag ang kanilang gobierno rito.

Si Legarda naman ay dating kasapi ng konseho munisipal ng Maynila at teniente mayor ng Quiapo noong 1891. Noong 1898, naglingkod siya bilang private secretary ni Aguinaldo. Pagkatapos ay nahalal siyang bise presidente ng Kongreso ng Malolos. Pagkalipas ng tatlong buwan, nang mabatid niyang di na maiiwasan ang pagsasagupa ng mga Pilipino't Amerikano, walang pasintabing tinalikuran niya ang kanyang tungkulin at lumipat sa kampo ng mga Amerikano. Sa buong panahon ng paghahamok ng mga Pilipino't imperyalistang Amerikano, masigasig siyang tumulong sa mga kaaway.

Si Luzurriaga naman ay isang dating huwes sa Negros noong panahon ng Kastila. Noong Enero 1899, nahalal siyang delegado sa Kongreso ng Malolos, subalit di niya ginampanan ang kanyang tungkulin. Sa halip, naglingkod siya bilang auditor sa gobierno militar ng mga Amerikano sa Negros mula 1899 hanggang 1900. Matapos siyang maglingkod bilang gobernador ng Negros Occidental, sa Ilalim pa rin ng Amerika, siya'y piniling kasapi ng Philippine Commission.

Ang tatlong ito, kasama pa ang ilang katulad nila ang kulay, tulad nina Pedro Paterno, Cayetano Arellano, Gregorio Araneta at iba pa na pawang binigyan ng matataas na tungkulin sa gobierno kolonyal ng Amerika, ang siyang nagtatag ng Partido Federalista na ang pangunahing layunin ay gawing estado ng Amerika ang Pilipinas. Kasali sa kanilang tungkulin, na masigasig nilang isinagawa, ang pag-udyok sa mga mamamayang Pilipino na nasa larangan pa ng labanan na magsisurender na.Tayo ngayon, mga kababayang Pilipino, ang humusga kung anong uri ng mga tao ang mga "Pilipinong" kasapi sa Philippine Commission na siyang pumili kay Rizal. 

Maliwanag na ang isang panig ay binubuo ng mga dayuhang tuwirang lumulupig sa mga Pilipino, at ang kabila naman ay binubuo ng mga "Pilipinong" ang tanging maipagmamalaki ay ang pagiging traydor sa simulaing Pilipino.Halos kaalinsabay ng pagkakadeklara kay Rizal bilang pambansang bayani, pinasimulan ang paghubog sa isip ng mga kabataang Pilipino. Itinatag ang mga paaralang pampubliko at ang mga kabataan ay sapilitang pinapasok rito. Dito nagsimula ang pagkakatuto natin ng Ingles, dreaming of a white Christmas, sleighbells in the snow, red nose reindeer, Santa Claus. Nagsimula rin tayong gumamit ng toothbrush at colgate; nagdamit ng wool, nagkumot ng wool, at kung anu-ano pa. 

Nagbago ang ating sukatan ng magandang asal. Natuto tayong magbigay galang sa American flag, nawili tayong tumalakay sa buhay ni Abraham Lincoln, Thomas Jefferson, at iba pa. Naluto rin tayo sa "demokrasyang stateside."At kung sakali mang may iba pa tayong iniisip, gaya ng di pagpasok sa klase, nandiyan ang kolonyal police upang dakpin ang mga kabataang di pumapasok. At kung sakali mang maisipan nating sumalungat, nandiyan din ang Philippine Constabulary na kanilang itinatag upang lipulin ang mga nakikibakang binansagan nilang "mga tulisan." 

At komo maraming mga Pilipino ang nanatiling matitigas ang ulo at pilit na pinagyayaman ang bandilang Pilipino, gumawa sila ng batas na tinawag nilang Anti-flag Law: bawal mag-display ng bandilang Pilipino. Para sa mga nag-aalsa naman, nandiyan ang Anti-Brigandage Actbatas laban sa mga taong labas o brigands o tulisan. At komo merong mga manunulat na pilit inilalabas ang kanilang ideyang labag sa interes ng mga imperyalistang Amerikano, nandiyan ang Anti-Sedition Law. Sa madali't salita,naging labag sa batas ang pag-iisip at paggawa ng mga bagay na magtataguyod sa ating pambansang kapakananNaging labag sa batas ang magtanggol sa sariling bayan.

Malinaw na malinaw sa sanaysay ni Renato Constantino na pinamagatang"Miseducation of the Filipino" na ang free public school system, and pensionado program, at ang paggamit ng Ingles sa mga paaralan ay ginamit ng mga manlulupig na Amerikano bilang bahagi at suporta ng kanilang estratehiya militar. Kung ang layunin ng militar ay lipulin ang mga taong hayagang humahamon sa kanila, layunin naman ng edukasyon na hubugin ang isip ng ating mga kabataan at ng iba pang mga mamamayan upang maging maka-Amerikano sa isip at sa diwa. Sa ganitong sitwasyon naging sikat si Rizal at natabingan naman si Bonifacio at marami pang iba.

Kalabisan nang ipagdiinan pa na sinadyang kasangkapanin ng mga imperyalistang Amerikano at ng kanilang mga alalay na Tavera, Legarda at Luzurriaga ang ating mga bayani nang sa gayo'y sila ang patuloy na mamayani sa ating bayan at maghari sa ating isip at diwa. Kalabisan nang sabihin pa na sila ang puno't dulo ng pagiging segunda klaseng bayani ni Andres Bonifacio at ng iba pang mga mamamayan na hinamak ang sariling kapakanan, makapaglingkod lamang sa inang bayan.

Magbalik tayo sa ating tanong sa umpisa? Ano ang relevance o kabuluhan ni Andres Bonifacio sa ating buhay sa kasalukuyan? Kung ang pagbabatayan ng ating sagot ay ang bersyong dayuhan ng ating kasaysayan, wala, maliban sa isang rebultong bato't patay na alaala. Meron naman, kung gagawin natin itong pasimula, o kaya'y pagpapatuloy sa nasimulan nang pagtutuwid sa ating kasaysayan.Bukod sa pagtutuwid ng ating kasaysayan, meron pa bang ibang kahulugan si Bonifacio sa ating buhay? 

Meron pa, sapagkat sa maniwala tayo't sa dili, buhay na buhay pa at patuloy na nanggugulo sa ating buhay ang mga puwersang pumatay kay Bonifacio at sa kanyang sariwang alaala. Ang pagiging Pilipino sa ating panahon ay ang pagpapatuloy sa pakikibaka laban sa puwersa ng kolonyalismo at imperyalismo, di lamang sa ating isipan kundi pati na rin sa ating buhay.Mula sa bibig ng representante ng Amerika noong 1945, isang taon bago ibinalik daw sa atin ang ating pambansang kalayaan, maliwanag niyang sinabi na bagama't inihanda raw tayo sa pagiging malaya sa larangan ng pulitika, unti-unti rin naman tayong sinasakal sa larangan ng ekonomiya. 

At magpahangga ngayon ay patuloy pa ring sinisipsip ng mga imperyalistang Amerikano, at dinagdagan pa ng mga Hapones, ang ating kabuhayan.Sang-ayon kay Vicente Abad Santos, dating Sekretaryo ng Hustisya at ngayo'y punong huwes sa Korte Suprema, ang mga base militar ng Amerika rito ang pumoprotekta sa kanilang mga multinational corporations at katulong sa paghigpit ng kanilang kontrol sa ating pambansang ekonomiya (Times Journal, 25 Nov 78). 

Pinag-uusapan ng bansang Amerika at ng Pilipinas ang isang bagong kasunduang may kinalaman sa mga base militar ng Amerika rito nang gawin niya ang kanyang pahayag.Paulit-ulit pa ring sinasabi ni Pangulong Marcos na ang buong Pilipinas ay nalalagay sa isang krisis na siyang dahilan daw ng patuloy na paghihirap ng mga mamamayan. Ano o sino sa palagay natin ang may kagagawan sa krisis na ito? May mga William Howard Taft pa ba tayong dapat alalahanin? May mga Tavera, Legarda at Luzurriaga pa ba? Maaari nating tularan si Bonifacio. Sa kanyang panahon ay masigasig niyang pinag-aralan ang problema ng bayan at, batay sa kanyang nakamtang liwanag ay kumilos siya. Maaari nating buhayin si Bonifacio sa ating sariling buhay at panahon kung iibigin natin. 

Kung anuman ang ating makamit na kasagutan, isang tanong lamang ang nais kong bigyan ng diin: Ano ang ibig sabihin ng pagiging Pilipino ngayon? At dito natin matatagpuan si Bonifacio...Pati na rin ang ating sarili.

MindaNews / 30 December 2002(Ang lekturang ito ay binigkas noong Selebrasyon ng Araw ni Bonifacio sa MSU-IIT Mini-Theater, Disyembre 6, 1980. Ikadalawampu’t dalawang taon mula noon ngayon, mahalagang sariwain pa rin ang buod ng lekturang ito. Si Prof. Rudy Rodil ay dating Lecturer sa Department of Social Sciences, ngayon ay Professor ng Kasaysayan sa Department of History, College of Arts and Humanities, MSU-Iligan Institute of Technology, Iligan City). 


******************************
ADDENDUM: 12/05/2012: some past writings on our neglected hero. 



BONIFACIO

The efforts of a determined few to honor the memory of Andres Bonifacio at a way that befits his true stature have been deterred somewhat by the supercilious conviction which prevails in the upper classes that Rizal cannot be replaced as the hero of the Filipinos.

This conviction has even acquired the nature of an official one, a fact that can easily be seen in the almost complete indifference of the national government to the City of Manila's determination to impart a more substantial meaning to the celebration of Bonifacio's centenary.

And yet, nothing could be more harmful than the cultivation of an artificial rivalry between Rizal and Bonifacio. Nothing could be more revealing of the ignorance of social and revolutionary action on the part of the so-called Filipino educated class than the insidious campaign it is waging that the man from Calamba and the man from Tondo were poles apart in their aims and purposes.

The simple truth, we believe, is that like the famous bow and arrow of longfellow, Bonifacio and Rizal were useless each without the other. They complemented each other, although they identified themselves with the use of apparently divergent means. There was, to be sure, a difference in view asto the future of the Philippines, but this difference was dictated by the difference in their character and in their basic orientation.

All this may sound paradoxical, even contradictory. But not when it is considered that in the Philippine revolution, as well as in all the classic revolutions which have shaped human institutions, there was always a division of labor instinctively arrived at.

Rizal and his group in the Propaganda Movement were the men who laid down the theoretical foundations, the justifications and the morality of the Filipino grievance against Spain. It was they who, by the power of the written word or by the urgency of vocal appeal, opened the eyes of their countrymen to their own plight and who inspired them to aspire for dignity. Rizal then was essentially a man of thought. He was the encyclopedist, the pamphleteer, the philosopher, the poet who wrote and sang of love of country. He was the theorist, immersed in thought and rendered incapable of action, not only by the corrosive effects of "thinking too precisely on the events," but also by his implacably safe and middle-class background.

But after he has achieved his assigned task --after, in other words, the man of thought had reached the end of the tether -- the man of action had to take over and give reality to what had been said and discussed before.

The man of action in Philippine history was Andres Bonifacio. here was a man who could not boast of the profundity of learning and of the eloquence of the men of the propaganda Movement. But here, also, was a man who had been endowed with the gift of action.

Bonifacio saw the situation steadily and he saw the whole, and he acted on what he saw. he acted, not by propounding more theories or indulging in more philosophical vacillations, but in laying the foundation of the Katipunan the one and only purpose of which was to fight a necessary and timely revolution. (12-01-1963)